Ipininid ang pinto ng Dakilang Lumikha
Ang matalinghaga kong aba na pananalita
Gamit ang palapindutan isa isa kong tinipa
Pagal na isip pipilitin kong gagawa.
Matapos ang walong oras sa aking trabaho
Isa isahin ang mga pagbabago.
Nagsimula sa wala, ngayon ay napuno
Ang isang araw na hapit, akin nang itatago.
Mangyari ipikit ang namamalikmata,
Ng isang taong wala namang nakikikita.
Isasarang pilit ang tengang dapat makinig,
Sa mga taong pinangakuan ng iyong pag-ibig.
Bayaning tatayo ang magaling na aktor,
Mukhang makinis nagmistulang pasador.
Matalinong masa patuloy na naaapi,
Ng mga ganid na tao nitong ating lahi.
Gusto kong huminto sa aking pagkatha.
At ipahinga na lamang utak na lumuluha.
Subalit ang damdamin hinahatak pabalik,
Ang mga daliring humabi ng titik.
Tubig na pinakulo akin ng isasalin,
Sa gatas na ititimpla, pipilitin kong mahimbing.
Subalit sa pag-upo, muli na namang tinamasa,
Usok ng sigarilyong tatama sa aking mata.
Kailan ba matatapos, kailan pa magwawakas,
Ayoko ng makakita sa kalsadaý may nag aaklas.
Kapayaang hiling doon sa itaas.
Sana naman sa paggsising, may bago ng landas.
Ibang bansang takbuhan nating naghihikahos,
Maging kasaysayan na lamang sana sa aking pagtatapos.
Tapat na paglilingkod lamang ang tanging katapat,
Upang yaman ng Pilipinas ay maging sapat.
Akin ng isasara ang libro ng kahirapan,
Kahirapan na siya lamang katotohanan.
Nakalulungkot isipin ang ating sitwasyon,
Kathang Matalinghaga, sa aking henerasyon.