Bagama't ang boto ay isang pribilehiyong dapat ipagmalaki ng bawat Pilipino dahil sa mga kadahilanang naisulat ni ka-spy na xintensityx, hindi maiiwasang mawalan ng tiwala ang mga mamamayan sa halaga ng kanyang boto dahil sa iilang rason.
Una, ang garapalang dayaan sa eleksyon sa paggamit ng ilang modus operandi tulad ng "flying voters" o "Operation: Dagdag-Bawas". Masakit man tanggapin, ngunit tulad ng mga "TRAPO" sa ating pamahalaan, ang pandaraya sa eleksyon ay institusyon na sa pulitika ng Pilipinas.
Pangalawa, iilan lamang ang bumuboto na siyang masinsinang iniisip kung sino ang pulitiko na gusto niyang maihalal. Nasabi ko ito sa kadahilanang ang maralita, na siyang malaking grupo ng mga botante, ay hindi na minsan nag-iisip ng mabuti kung sino ang kanilang iboboto. Hindi sa minamaliit ang maralita, ngunit ito ay patunay lamang sa katotohanan na dahil sa kahirapan kahit na sinong pulitiko na may magandang pangako ay maiboboto.
Pangatlo, ang mga kumakandidato ay pare-pareho lamang. Kahit na mayroong mga bagong pulitiko na pumapasok sa arena ng pulitika, nakakalamang pa rin ang mga "TRAPO".Kung kaya't ang mga ito, mayroon mang magandang mithiin o plano para sa bansa, ay di makakilos dahil sa mga nasabing "TRAPO".
Hindi ko sinasabing wala nang kwenta o bisa ang boto ng mamayang Pilipino. Ang akin lamang ay, nabawasan na ng tuluyan ang halaga nito. Ngunit, hindi ibig sabihin nito ay wala na itong saysay. Kung magtutulong ang lahat para maturuan at mabigyan ng tamang impormasyon ang isa't isa, lalo na ang maralita, mas magiging intelihenteng pag-boto ang magagawa ng bawat isa. At pag ito ay nangyari, kahit matagal na proseso, makikita natin ulit ang pag-ayos ng ating pulitika, na siya namang karugtong ay ang pag-ahon ng bayan. Hindi lamang sa boto nakasalalay ang kinabukasan ng bansa. Ang kagustuhang mag-bago ng bawat isa patungkol sa kanilang pag-boto ang ugat ng pag-babago ng bayan.
Huwag lamang makinig kundi pati na ring magsaliksik para madagdagan ang kaalaman. Huwag maghintay ng pag-babago at maging aktibo!