base sa kakaunting nalalaman ko, ang bisa ng sedula ay hanggang sa matapos ang kabuuan ng taon kung kailan mo ito kinuha. dahil ang binayaran mong buwis ay para sa taon lang na nabanggit. kung kumuha ka ng 2008, kahit anong buwan pa, hanggang Disyembre 31, 2008 lang ang bisa nito. pagpasok ng 2009, dapat kumuha na naman ng bago.
pero may ilang pagkakataon na puwede nang tanggapin iyan, depende sa paggagamitan o sa hihingin ng ka-transaksiyon mo na mas malamang kaysa hindi ay gobyerno.
himayin natin.
kapag ipapakita mo ang sedula para lang patunayan na nasa legal na edad ka na (18-anyos) kaya hindi ka na sakop ng bagansiya (tulad ng curfew sa barangay) o maaari ka nang uminom sa mga gimikan, tatanggapin iyan kahit noong isang taon pa.
kung gagamitin mo sa pangungulekta ng pondong pampubliko (pondo ng barangay halimbawa), sa pagharap sa notaryo-publiko, panunumpa bilang halal (elected) o itinalagang (appointed) opisyal ng pamahalaan, hihingan ka ng pinakabagong (latest) sedula. pinakabago, ibig sabihin ay sedula na kinuha mo sa taon na sasaklaw sa panahon ng iyong transaksiyon. halimbawa, kukunin mo sa munisipyo/lungsod ang pondo ng barangay ninyo sa buwan ng pebrero 2009, hahanapin ang sedula mo para sa taong 2009 upang maging klaro lang at masuportahan ang ilang bagay-bagay.
kailangan ang pinakabago dahil bukod sa taon-taon dapat nagbabayad ng buwis, sa panahong nagdaan mula sa pagkuha mo ng sedula hanggang sa gamitin mo ito sa transaksiyong legal ay maaari kang nalipat ng tirahan, nabago ang iyong estado-sibil (nagpalit ng apeliyido dahil nag-asawa, nabiyudo/nabiyuda o naging single ulit), nabago ang nasyunalidad, o nag-iba ng hanapbuhay o pinagkakakitaan.
kahit minsan ay nakakalusot o sa bibihirang pagkakataon ay tatanggapin na ang hawak mong sedula na marso o disyembre 2008 mo pa kinuha, mas sigurado na iyong nakahanda ang bago mo.
kung gagamitin mo ang sedula bilang karagdagang dokumento (identificaction) sa aplikasyon mo ng pagkuha ng business permit mula sa inyong munisipalidad/siyudad, hahanapan ka talaga ng pinakabago. ito ang mga transaksiyon na magsisilbing pangunahing pagkakakilanlan ng iyong pagkatao (primary identification) ang sedula.
at hanapan ka man ng latest (taong kasalukuyan), hindi magiging pabigat sa panig mo dahil hindi naman mahirap kumuha ng sedula.
alalahanin lang natin na kahit madali at puwedeng ma-peke ang isasaad na impormasyon sa residence certificate, may kaakibat na parusa kapag napatunayang sinadya mong palsipikahin ang mga ganitong pampublikong dokumento.
---ito ay ayon lang sa aking kaunting pagkakaintindi. kung kuwestiyonable o mali, sana maliwanagan din ako.